‘Mga kababaihan lumahok sa PMA’ – Pangulong Marcos

CEBU, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang marami pang kababaihan na lumahok sa Philippine Military Academy (PMA).
Ang panawagan ay ginawa ng Pangulo sa graduation rites ng PMA sa Fort Del Pilar sa Baguio City at ikinatuwa na 54 na kababaihan ang nagtapos sa PMA Siklab-Laya Class of 2025.
Mayroong 266 na mga kadete ang nagsipagtapos at 54 dito ay pawang mga kababaihan.
“Ang mga kababaihang kadete ng PMA ang patunay na ang tapang, talino, at galing ay hindi nakaaayon sa kasarian,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.
Ang 266 graduates ngayong taon ay itatalaga sa tatlong pangunahing sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP); 137 dito ang sa Philippine Army, 71 ang magsisilbi sa Philippine Navy at 58 sa Philippine Air Force.
“Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon sa bawat batang babae nangangarap na magkaroon ng mahalagang papel sa ating bansa,” ayon pa sa Pangulo.
Nagbilin din ang Pangulo sa mga nagsipagtapos na kadete na magsilbi nang may dignidad, dangal at pagmamahal.
Dapat pa rin aniyang pairalin ang mga natutunan sa loob ng akademya dahil malaki ang inaasahan sa kanila ng mga ordinaryong mamamayan.
- Latest