Romualdez, may ‘supermajority’ sa 20th Congress
Tuloy sa pagiging House Speaker
MANILA, Philippines — Tapos na ang usapin tungkol sa liderato ng Kamara para sa papasok na 20th Congress.
Ito ang sinabi ni House Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez, matapos kumpirmahin na may suporta si House Speaker Martin Romualdez mula sa hindi bababa sa 240 mambabatas o mahigit sa 2/3 ng 315 na halal na miyembro ng Kamara. Tinawag niyang “supermajority” ang nasabing grupo na siyang maglululok kay Romualdez bilang Speaker sa 20th Congress.
“Ito’y malinaw na patunay ng tiwala sa pamumuno at track record ni Speaker Romualdez. Tapos na. May numero na ang Speaker,” ayon kay Suarez.
Dagdag pa ng Kongresista na kahapon ay hindi bababa sa 240 miyembro ng Kamara ang lumagda na sa manifesto ng suporta para kay Romualdez at inaasahang madadagdagan pa ito. Kasabay ito sa pagpupulong ng mga lider ng Kamara nitong Biyernes ng hapon sa Shangri-la Makati para talakayin ang mga usaping pang-administratibo at mekanismo at para masiguro ang tuluy-tuloy at maayos na pagtatapos ng 19th Congress bago ang pagsisimula ng 20th Congress sa Hulyo 1.
Ang inisyatibo aniya ay sinuportahan ng mga miyembro mula sa lahat ng majority blocks kabilang ang Lakas-CMD, National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), at ang Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI) na malinaw na nagpapakita ng kakayahan ng Speaker na pag-isahin ang iba’t ibang panig sa Kamara.
- Latest