6 casino junket ipinatigil operasyon

Sa pagkakasangkot umano sa Anson Que ransom…
MANILA, Philippines — Ipinatigil na ang junket operations ng anim na malalaking casino sa bansa dahil sa kanilang pagkakasangkot umano sa kaso ng negosyanteng si Anson Que.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson at PRO 3 Director PBrig. Gen. Jean Fajardo sa isang pulong balitaan sa Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga at hindi na pinangalanan ang mga casino at lokasyon nito.
Nabatid na nauna nang ibinunyag ng PNP na dumaan umano sa mga junket operator ang P200 milyon ransom money ng dinukot at pinatay na negosyanteng si Que bago ito i-convert sa cryptocurrency ng mga suspek.
Mayroon ding na-trace ang PNP-Anti Cybercrime Group na dalawang cryptocurrency accounts kung saan nai-freeze ang aabot sa $1.6 milyon US dollars na nakita na konektado umano sa krimen.
Iniimbestigahan din ng PNP ang mahigit P400 milyong na narekober sa Cebu, na sinasabing galing sa junket operator na White Horse.
Kabilang ito sa mga pinadalhan ng subpoena ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kasama ang 9 Dynasty Group na una nang tumugon sa subpeona dahil sa pagkakadawit sa kaso.
- Latest