Marcos pinirmahan ang batas na nag-amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act

MANILA, Philippines — Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na naglalayong amyendahan ang Motorcycle Crime Prevention Act upang palakasin ang ilang probisyon nito.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11235, may limang araw ang dating may-ari para i-report ang bentahan sa Land Transportation Office (LTO) at inaatasan nito ang mga bagong may-ari ng motorsiklo na ilipat ang rehistro ng pagmamay-ari sa loob ng 20-araw.
Maliban dito, binawasan din ang multa sa mga paglabag tulad ng kawalan ng plaka na mula sa dating P50,000 hanggang P100,000 ay ginawa na lamang itong P5,000 at hindi na rin maaaring kumpiskahin ang motorsiklo kung may maipakitang rehistro at walang pananagutan ang may-ari.
Habang mula sa dating parusa na pagkakakulong o multa mula P20,000 hanggang P50,000 o pareho, ito ay ibinaba sa multang hindi hihigit sa P5,000.
Hindi rin maaaring kumpiskahin ang motorsiklo kung batay lamang sa hindi pagsunod ng maminili sa mga itinakdang tuntunin ng batas.
Inaatasan din ng batas ang mga dealer na iulat sa LTO ang lahat ng motorsiklong na-repossess at magsumite ng annual status report of possessed units na nasa kanilang kustodiya.
- Latest