VP Sara suportado ang batas kontra political dynasty

MANILA, Philippines — Inihayag ni Vice President Sara Duterte na susuportahan niya ang panukalang batas na magbabawal sa political dynasty sa Pilipinas.
“Ako ‘yung may pinakamalaki at solid ang kredibilidad to speak about political dynasty because I come from a political dynasty, so wala nang mas matindi pang expert sa political dynasty,” ani VP Sara.
“Susuportahan ko ba ang batas na anti-political dynasty? Yes. Kung bibigyan nila ako ng pagkakataon, ako ‘yung susulat. Ako ‘yung pinakamagaling sa political dynasty,” dagdag pa niya.
Sinagot din naman ni VP Sara ang tanong ng mga mamamahayag kung ilan ba dapat ang miyembro ng bawat dynasty, sa kanyang gagawing proposal.
Aminado naman siya na sa ngayon ay hindi pa nila natatalakay sa kanilang pamilya ang kaniyang paninindigan hinggil sa political dynasty dahil abala sila bunsod ng patuloy na pagkakadetine ng kanilang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte sa The Netherlands.
Nitong katatapos na halalan, nadagdagan pa ang miyembro ng pamilya Duterte na nakaupo sa pamahalaan.
Bukod kay VP Sara, manunungkulan ang ama bilang alkalde ng Davao City habang bise alkalde ang kanyang bunsong kapatid na si Sebastian.
Si Cong. Paolo Duterte at kanyang anak na si Omar, ay nahalal bilang mambabatas ng una at ikalawang distrito ng Davao.
- Latest