6 sugatan sa karambola ng 4 sasakyan sa EDSA tunnel
MANILA, Philippines — Nasugatan ang anim na indibidwal matapos magkaroon ng banggaan ng mga sasakyan sa EDSA, Quezon Avenue tunnel sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sangkot sa insidente ang isang bus, isang motorsiklo, at dalawang UV Express.
Kabilang sa mga nasugatan ang rider ng motorsiklo, ang driver at dalawang pasahero ng isang UV Express, at ang driver at isang pasahero ng ikalawang UV Express.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente, alas-5:40 ng umaga sa kahabaan ng EDSA Quezon Avenue Tunnel, Barangay South Triangle.
Dinala agad sa ospital ang anim na nasugatan, kung saan kabilang ang isang pulis.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng bus na sangkot sa insidente habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest