Puno nabuwal: 2 bata patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines — Nasawi ang dalawang bata habang isa ang nasugatan makaraang madaganan nang nabuwal na punong kahoy habang naglalaro sa Davao City nitong Martes ng hapon.
Sa report ng Sasa Police Station, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Marcus, 7-anyos, at Paul John, 10-anyos. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang nasugatang biktima na si Paula, 10-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya,naitala ang insidente, alas-2:00 ng hapon sa Doña Salud, KM 10, Sasa, Davao City.
Ayon sa pulisya ang tatlong bata ay naglalaro sa isang abandonadong bahay sa lugar nang mabuwal ang isang matandang punong kahoy at madaganan ang mga ito.
Agad namang isinugod ng kanilang mga pamilya katuwang ang mga biktima sa pagamutan para malapatan ng lunas pero nabigo ng maisalba ang dalawa sa mga ito.
Umapela naman ang mga residente dito sa lokal na pamahalan na magsagawa ng pag-iinspeksiyon at clearing operations sa mga matatanda at mabubuwal ng punong kahoy upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
- Latest