NPA lider na wanted sa 23 kaso, utas sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Isang New People’s Army leader na wanted sa 23 na mga kaso ang napatay ng mga sundalo sa engkuwentro nitong Sabado.
Kinumpirma kahapon ni Army Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th ID, ang pagkasawi ni Elbert Echavez sa engkuwentro ng kanyang grupo at ng mga tropa ng 67th IB, naganap sa Sitio Mendezona sa Rajah Cabungsuan sa Lingig, Surigao del Sur.
Sa ulat, nagpapatrulya ang mga sundalo sa Sitio Mendezona matapos makatanggap ang 67th IB ng ulat mula sa mga local executives sa iba’t ibang bayan sa Surigao del Sur hinggil sa presensya ni Echavez at 10 kasama na kung saan ay naganap ang palitan ng putok na ikinasawi ng NPA lider.
Iniwan ang bangkay ni Echaves ng mga kasama nang maubusan ng bala sa kanilang palitan ng putok sa mga tropa ng 67th IB.
Si Echavez ay wanted sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, arson, armed robbery, extortion at pagbebenta ng droga na nakabinbin sa mga korte sa Regions 13, 11 at 10.
- Latest




















