2 natutulog pinasok at pinagbabaril, utas

MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang isa ang sugatan nang pagbabarilin ng hindi kilalang salarin habang mahimbing na natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Antipolo City, Rizal, kahapon ng madaling araw.
Namatay noon din ang mga biktimang si ‘Lola Rosa,’ 70, at alyas ‘Ricky,’ 58, habang sugatan naman si alyas ‘Isa,’ 15, bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinutugis naman na ng mga otoridad ang ‘di kilalang salarin na inilarawan lamang na nakasuot ng itim na t-shirt na may puting stripes sa balikat.
Sa ulat ng Antipolo City Police, ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tahanan ng mga biktima, na magkakaanak, sa Brgy. San Luis, Antipolo City.
Kasalukuyan umanong mahimbing na natutulog ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan nang pasukin at pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin.
Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis nang tumakas ang salarin.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy kung sino ang may kagagawan ng pagpatay at ano ang motib.
- Latest