2 todas, 7 sugatan sa pamamaril ng barangay chairman

MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang pito pa ang nasugatan matapos na paulanan ng bala ng armadong grupo ng isang barangay chairman ang mga supporters ng kanilang kalaban kahapon ng umaga sa Silay City, Negros Occidental.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Albert Salimbot ng Hacienda Macamig Pulo, Brgy E. Lopez at Ronnie Piedad, 45 ng Purok Ipil-Ipil, Brgy Mambulac; pawang ng lungsod.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Negros Occidental Provincial Hospital ang mga sugatang biktima na sina Ruel Espinosa, 42; Ric Ortillano, 46; Wilfredo Cuello, 46; Glenn Gutierrez, 46; Ginray Guitche, 32; Jason Belleza at Joey Pomares.
Sa report ni Col. Rainero de Chavez, Director ng Negros Occidental Police, alas-7:00 ng umaga habang nagkakape ang mga biktima sa campaign headquarters ng Grupo Asenso ni dating Mayor Mark Golez sa Brgy, Mambulac, Silay City.
Dumaan ang van na sinasakyan ng armadong grupo ni Arnie Benedicto, Brgy. Chairman sa Brgy Lantad ng lungsod kung saan pinuntirya ng pamamaril ang grupo ng mga biktima.
Sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspect.
Tinutugis na ng mga otoridad ang mga suspek upang maaresto ang mga ito at mapanagot sa batas.
- Latest