Magpapabago sa imahe ng PNP inaasahan ni Marcos sa PNPA new graduates

MANILA, Philippines — Inasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkakaroon ng pagbabago at paglilinis sa imahe ng pulisya sa pamamagitan ng mga bagong nagsipagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite.
Sa mensahe ng Pangulo sa 206 na mga miyembro ng PNPA class 2025 Sinaglawin na nagsipagtapos, sinabi niya na sadyang hindi madali ang pagpasok sa akademiya.
May pagkakataon aniya na ang kanilang mga paniniwala ay tila hinihila sa magkakaibang direksyon at susubukan ang kanilang katatagan at paninindigan.
Sa kabila nito, nananalig pa rin si Marcos na ang mga bagong graduate ng PNPA class 2025 ang lilinis, magpapatatag ng propesyunalismo sa mga pulis.
Tiwala rin ang Pangulo na ang mga bagong public servants ng PNPA class 2025 ang magdudulot ng mga pagbabago at magdadala ng pag-asa sa hanay ng mga pulis na magseserbisyo sa publiko.
Payo naman ng Pangulo sa mga nagsipagtapos na kapag dumating sa puntong sa tingin nila ay naliligaw sila ng landas, lagi nilang tandaan na kaya sila nandito ay para tumulong na malampasan ang hamon ng mga kasamahan para magserbisyo ng tapat at makatarungan.
Misyon aniya ng mga bagong public servants na ipagtanggol ang konstitusyon at may responsibilidad sa mga pilipino at sa bansa para siguruhin ang hustisya sa bawat Pilipino.
- Latest