Chinese na nag-eespiya malapit sa Comelec inaresto ng NBI
MANILA, Philippines — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national matapos madiskubre ang spy equipment sa loob ng sasakyan na nakaparada malapit sa main office ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila, Martes ng hapon.
Sinabi ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin na posibleng paglabag sa Espionage Law at Data Privacy Act kaugnay ng Cybercrime Law ang aktibidad ng dinakip na si Tak Hoi Lap, na ang pangalan ay batay sa nakuhang pasaporte.
Sinabi ni Lavin na halos banggain na ang isang Mitsubishi Xpander upang hindi na makawala na matagal nang inoobserbahan sa lugar, dahil sa posibilidad na magpalit na ito ng inupahang sasakyan dahil ang plaka ay number coding na pagsapit ng Miyerkules.
Nakuha sa sasakyan ang isang international mobile subscriber identity (IMSI) catcher na gamit sa paniniktik o pag-eavesdropping at pag-intercept ng mga mobile phone pati na rin ang pagsubaybay sa data ng lokasyon ng mga gumagamit ng mobile phone.
Hindi inaalis ni Lavin ang posibilidad na magamit ang nasabing equipment sa paparating na midterm elections, kaugnay sa hinalang panghihimasok ng China sa halalan sa bansa.
Sa nakaraang mga araw ay namonitor ang sasakyan ng nasabing suspek na nag-iikot sa Taguig, at Makati City.
Dadalhin sa NBI-National Capital Region (NBI-NCR) office ang mga nasamsam na ebidensya kabilang ang spy equipment at magsasagawa pa ng malalimang imbestigastyon ukol dito.
- Latest