VP Sara, sinopla ng Malacañang!

Sa pagkuwestiyon sa P20 bigas
MANILA, Philippines — Dahil sa pagkuwestyon sa timing ng pagbabenta ng P20 kada kilong bigas ilang linggo bago ang May 12 elections, agad sinopla ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte.
Giit ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang timing ang pagbibigay ng ayuda sa politika, at ito ay ibibigay sa taong nangangailangan lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Dagdag pa ni Castro, walang kinalaman ang pulitika sa pagbebenta ng P20 kada kilong bigas at ginagawan lamang ng malisya ng iba upang magkaroon ng negatibong epekto ang programa ng gobyerno para sa murang bigas.
“Kailan ba natin ibibigay ng sakati sa kabayo? Kung kailan namatay na iyong kabayo? Sa pulitika walang timing sa pagbibigay ng ayuda,” pahayag pa ni Castro.
Giit pa niya, hanggang kaya ng gobyerno na ibibigay ang tulong sa pinakamaagang panahon at wala aniyang pulitika sa hakbangin ng gobyerno.
Kung ngayon lamang ito nagawa, ito aniya ay dahil na rin sa pagtutulungan ng mga stakeholders at mga lokal na opisyal sa maayos na paraan.
Sinabi pa ni Castro na hindi magagawa lamang sa isang kumpas ng kamay ang P20 per kilo rice program dahil kailangang dumaan ito sa masusing pagsusuri at masigurong maayos at pulido ang implementasyon nito.
- Latest