Partylist nominee todas sa ambush!
MANILA, Philippines — Patay ang second nominee ng isang party-list group nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harapan ng kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila kagabi.
Kinilala ang biktima na si Leninsky Bacud, dating chairman at second nominee ng Ang Bumbero Partylist na tumatakbo sa May 12 partylist polls.
Batay sa sketchy report ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na bago mag-alas-6:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng bahay ng biktima sa P. Guevarra St., sa Sampaloc.
Nauna rito, magkasama pa umano sina Bacud at si Jose Antonio Goitia sa isang aktibidad ngunit naghiwalay din dahil pauwi na ang biktima sa tahanan nito.
Laking gulat na lang umano ni Goitia nang mabalitaang tinambangan na ang biktima.
Sinasabing kadarating lamang ni Bacud sa tapat ng kanyang bahay at kabababa ng kanyang sasakyan nang pagbabarilin ng mga salarin.
Ayon sa pulisya, isang pulis sa lugar ang nagawa pang rumesponde sa ambush at nakipagbarilan sa mga suspek ngunit nakatakas pa rin ang mga ito, lulan ng isang motorsiklo.
Naisugod naman ang biktima sa UST Hospital ngunit binawian din ng buhay.
- Latest