Mag-asawa patay sa ambush

Habang nagmomotorsiklo
MANILA, Philippines — Patay ang isang mag-asawa nang tambangan ng hindi pa kilalang mga salarin habang magkaangkas ng kanilang motorsiklo sa Teresa, Rizal, kamakalawa.
Idineklarang dead-on-arrival ang mag-asawa na kinilalang sina alyas ‘Roger’ at ‘Mercy’ bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakatakas naman at tugis na ng mga otoridad ang mga ‘di kilalang salarin sa krimen.
Batay sa ulat ng Teresa Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-8:40 ng umaga nang maganap ang krimen sa Roman Roxas Road, Brgy. May Iba, sa Teresa
Nauna rito, lulan ng motorsiklo ang mag-asawa at binabaybay ang naturang lugar patungong bayan ng Teresa, at pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang silang tambangan at pagbabarilin ng mga suspek.
Nang matiyak na napuruhan ang mga biktima ay mabilis na ring nagsitakas ang mga ito.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest