Leni nagpasalamat kay Erwin Tulfo sa patuloy na tulong sa mga Bikolano

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng kanyang pasasalamat si dating Bise Presidente Leni Robredo kay Senatorial candidate Erwin Tulfo dahil sa tuluy-tuloy na pagtulong nito sa Bicol, partikular na sa Naga, at sa maaasahang pakikiisa nito sa Angat Buhay Foundation Inc., lalo na noong panahong siya ang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bumisita si Tulfo sa tahanan ni Robredo sa Naga nitong Sabado, matapos ang kanyang market tour sa Naga People’s Mall, ang pangunahing pampublikong pamilihan ng lungsod, kung saan mainit siyang sinalubong ng mga residente.
Binalikan ni Robredo ang mabilis na pagtugon nina Tulfo at ng ACT-CIS Partylist nang dumaan ang Bagyong Kristine noong 2024, kung saan nagbigay sila ng 2,000 sako ng bigas at P1 milyon cash assistance para sa mga nasalanta.
Ipinunto rin ni Robredo ang malaking naitulong ni Tulfo sa mabilis na pag-accredit ng Angat Buhay sa panahon ng panunungkulan nito sa DSWD noong nagsisimula ang organisasyon noong 2022.
Ani Robredo, “Noong Secretary pa si Erwin ng DSWD, napakalaking tulong niya sa Angat Buhay. In fact, nabisita ko siya sa opisina niya sa DSWD, maganda ‘yung synergy ng Angat Buhay sa DSWD kasi kami ‘di ba, anti-poverty rin?”
- Latest