‘Ayuda ban’ ipatutupad ng Comelec!

Simula Mayo 2 hanggang election day
MANILA, Philippines — Ipatutupad ng Commission on Elections (Comelec) ang 10-araw na “ayuda ban” na aabot hanggang sa araw mismo ng eleksyon.
Sa kanyang paalala, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na simula Mayo 2 hanggang sa Mayo 12 o araw ng botohan, bawal ang lahat ng klase ng ayuda.
Ang ayudang ibinibigay ng gobyerno na ipatitigil ay kinabibilangan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), 4Ps, at ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
“Hindi na ‘yan exempted… Bawal na itong ipamahagi, maliban na lang sa medical and burial assistance... ‘Yan lang ang exempted sa May 2 to 12,” paliwanag ni Garcia.
Binawi na ng Comelec ang naunang exemptions sa spending ban na maaari pang ipamigay ang ayuda.
Sinabi ni Garcia na mahaharap sa kaso ang magbibigay o magpapatupad ng mga ayuda sa nasabing mga araw.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, maaaring makulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi lalampas ng 6 na taon, bukod sa iba pang mga parusang itinakda ng batas, ang mga lalabag.
Una nang na-exempt ng Comelec ang P20 kada kilo na Rice Project ng Department of Agriculture (DA) sa 45-araw na election spending ban bago ang botohan sa Mayo 12.
- Latest