7 pulis-Parañaque ipinaaaresto ni Aberin

Sa pangongotong sa Chinese trader
MANILA, Philippines — Pitong pulis kabilang ang dalawang opisyal ng Sto. Niño Police Substation 3 ng Parañaque Police Station ang ipinaaresto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Brig. Gen. Anthony Aberin matapos isumbong ng isang dayuhang negosyante ng pangingikil ng P100-libo para i-release ang kaniyang sasakyan, noong Huwebes ng gabi.
Ang akusasyon ng 25-anyos na negosyanteng Chinese national, sa pamamagitan ng isang interpreter, ay idinulog sa Parañaque Police headquarters at inaksyunan ito at nakarating kay Aberin.
Lumalabas na nangyari ang insidente sa Macapagal Boulevard dakong alas-7:30 ng gabi ng Abril 24, 2025. Pinara ng mga pulis ang sasakyan ng complainant sa itinayong checkpoint, at nang hanapan ng dokumento ay sinabihan umano siyang peke ang ipinakita at siya ay dinala sa presinto.
Sa pagnanais na mailabas sa kustodiya ng mga pulis ang sasakyan, pumayag ang complainant na magbigay ng P100-libo matapos magkasundo na ibaba ito mula sa P300-libo.
Ayon kay Aberin, bukod sa kasong administratibo na may maximum penalty na ma-dismiss sa serbisyo, isinailalim na ang pito sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office para sa kasong robbery/extortion.
- Latest