3 Chinese timbog ng CIDG sa extortion
MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong Chinese national kabilang ang isang nagpapanggap na tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos umanong kikilan ang isa rin nilang kababayan na nahuli sa raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub, kapalit ng kanyang paglaya.
Sa isang entrapment operation, nadakip ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Parañaque City ang mga suspek, na nakapangikil na umano ng P1-milyon, at humihingi pa ng karagdagang P3.5 milyon.
Ayon kay Police Maj. Gen. Nicolas Torre III, hepe ng CIDG, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng PAOCC na ginagamit sila ng ilang indibidwal para sa extortion.
May dalawa pang Chinese national ang nagsuplong hinggil sa pangingikil ng suspek na kung hindi magbibigay ng karagdagang bayad ay ito-torture at ipade-deport na ang nakapiit sa PAOCC detention facility.
“Ang boyfriend niya ‘yung nakakulong sa temporary detention center namin dito sa Pasay at ang sabi nitong grupo nito, connected sila sa PAOCC at kaya nilang i-release ‘yung boyfriend nitong complainant,” pahayag naman ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.
“Una, nakahingi na siya ng P1 million, and then humihingi pa ng additional P3.5 million. Kung hindi raw siya magbibigay ng P3.5 million, ipabubugbog niya raw, papa-torture niya raw ‘yung boyfriend, tapos ipapa-aresto ‘yung babae, ‘yung complainant,” dagdag niya.
- Latest