Malacañang naalarma sa ulat na makikialam ang China sa midterm election
MANILA, Philippines — Nabahala ang Malacañang sa ulat na nagtatangka umano ang China na makialam sa midterm elections sa Pilipinas.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro nakarating na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang impormasyon kaya pinaiimbestigahan niya ang impormasyong inilabas ng National Security Council (NSC).
Nais aniya ng Pangulo ang malalim na imbestigasyon upang matukoy kung ano ang mga detalye sa tangkang ito ng China.
Nauna rito inihayag ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na tinatangka umano ng China na manghimasok sa nakatakdang halalan sa Mayo sa pamamagitan ng disinformation campaign at pagsuporta sa mga pinapaborang mga kandidato at tinatarget ang mga kandidatong kontra sa China.
Sinabi ni Castro na malalaman ang iba pang detalye ng pagtatangka umano ng China na makialam sa darating na midterm elections sa sandaling matapos ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Itinanggi naman ng China ang impormasyong nakalap ng NSC at sinabing wala silang interest na gawin na may kaugnayan sa darating na eleksyon sa Mayo.
- Latest