Dengue cases patuloy ang pagbaba - DOH

MANILA, Philippines — Patuloy umanong nakakapagtala ang Department of Health (DOH) nang pagbaba sa bilang ng mga bagong dengue cases sa bansa.
Batay sa datos ng DOH, nabatid na mula Marso 16 hanggang 29, 2025, nasa 9,289 ang mga bagong kaso ng sakit na naitala nila.
Ayon sa DOH, mas mababa ito ng 23% kumpara sa 12,050 na naitala mula Marso 2 hanggang 15, 2025. Samantala, nasa 0.36% naman ang Case Fatality Rate (CFR) o halos apat sa bawat isang libong kaso ng Dengue ang namamatay.
Anang DOH, ang pagbaba ng bagong kaso sa pagsasagawa ay bunsod na rin ng mas pinaigting na vector control sa mga komunidad.
Kasama rito ang simpleng pag “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” — ang pag-aalis, paglilinis, pagpapatuyo, at pagtatakip ng mga lalagyang maaaring pamugaran ng lamok.
Iniuugnay rin ng DOH ang mababang CFR sa mas maagang pagkonsulta ng mga pasyente base na rin sa health education program ng ahensya tungkol sa mga sintomas na dapat bantayan.
Mabilis rin ang pagbibigay ng medikal na atensyon sa mga pasyente na dumudulog sa “Dengue Fast Lanes” ng DOH hospitals para maiwasan ang mas malalang komplikasyon ng dengue.
- Latest