Tiyo dedo sa saksak ng pamangkin

Ipinagtanggol ang isang tiyuhin
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on-arrival ang isang tricycle driver nang pagsasaksakin ng sariling pamangkin sa loob ng kanilang tahanan sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ang biktimang nasawi dahil sa tinamong mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Marcelino Añasco, 57, tricycle driver at residente ng Aguinaldo St., Tondo.
Sugatan naman at nilalapatan ng lunas sa naturang pagamutan ang kapatid niyang si Arturo Añasco, 59, construction worker, na pinalo ng biktima ng tubo at sinaksak. Habang arestado sa follow-up operation ang suspek na si Romeo Añasco, 31.
Batay sa imbestigasyon ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi sa loob ng kanilang tahanan sa Tondo.
Nauna rito, sa hindi pa batid na kadahilanan ay kinumpronta umano ni Marcelino ang kanyang kapatid na si Arturo, na humantong sa pagpalo nito ng tubo at pagsaksak sa kapatid.
Nakita naman umano ni Romeo ang nangyari kaya’t tinulungan nito si Arturo at saka pinagsasaksak.
Nakapiit na si Romeo at mahaharap sa kasong pagpatay sa piskalya.
- Latest