Nora Aunor inilibing na sa Libingan ng mga Bayani

MANILA, Philippines — Kasing init ng sikat ng araw sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig ang pamamaalam ng mga anak, kamag-anak, kaibigan at tagahanga sa nag-iisang “Superstar” na si Nora Aunor matapos itong sumakabilang buhay noong Abril 16 sa gulang na 71-anyos.
Si Aunor, namatay sa multi organ failure ay ginawaran ng full military honors na tradisyunal na iginagawad ng mga personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga karapatdapat na kilalang personalidad sa lipunan na pinahihintulutang maihimlay sa LNMB.
Bago ito ay idinaos ang necrological service nitong Martes ng umaga para sa beterana at multi-awarded na actress sa Metropolitan Theater sa lungsod ng Maynila.
Ang labi ng actress ay ineskortan ng AFP na ginawaran ng final honor kung saan ang bandila ay inilagay ng military bugler at apat na ruffle drums bago ginawaran ng 21 gun salute at inilibing sa kaniyang huling hantungan dakong alas-12:30 ng tanghali.
Ang aktres ay isinilang na si Nora Cabaltera Villamayor ay nagsimula sa kaniyang entertainment career noong 1960 bilang isang singer, naging tanyag sa kaniyang ginintuang tinig.
Naulila ni Aunor ang kaniyang mga anak na sina Ian, biological na anak nitong lalaki sa kaniyang dating asawang si Christopher de Leon gayundin ang apat nilang ampon na sina Lotlot, Matet, Kiko at Kenneth saka mga apo.
- Latest