Lumagapak na approval, trust ratings ni Pangulong Marcos, minaliit ng Malacañang

MANILA, Philippines — Minaliit ng Malacañang ang lumabas na survey kung saan bumaba ang trust at approval ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na 2,400 lamang ang respondents sa survey ng Pulse Asia at hindi ito kumakatawan sa sentimyento ng mahigit 100 milyong Pilipino.
Sinabi ni Castro na hindi nababahala si Pangulong Marcos Jr. kung bumaba man ang kanyang trust at approval ratings bagkus magtatrabaho pa rin ang Presidente at gagawin kung ano ang tama at kung ano nasa batas at hindi ito nakadepende sa kung ano ang idinidikta na hindi naman naaayon sa batas.
Naniniwala ang Palasyo na ang resulta ng survey ay epekto ng fake news na kumakalat sa bansa dahil mismong ibang mga bansa ayon kay Castro ang nagsabing talamak ang disinformation at fake news sa Pilipinas.
Ito aniya ang dahilan kaya pinapalakas ng gobyerno ang kampanya laban sa fake news upang makita ng taong bayan ang mga good news na ginagawa ng gobyerno para sa mga Pilipino.
Base sa Pulse Asia survey, lumalabas na malaki ang ibinaba ng trust at performance ratings ni Marcos nitong buwan ng Marso na bumaba sa 17% mula sa 42% noong Pebrero at 25% ng Marso, habang ang kanyang disapproval rating ay tumaas ng 21% mula sa 53%.
Si Vice President Sara Duterte naman ay gumanda ang trust at performance rating mula sa 52% sa 59% at ang kanyang disapproval rating ay bumaba mula sa 26% sa 16%.
- Latest