Panuntunan sa ugnayan ng Pinas at Taiwan niluwagan

MANILA, Philippines — Naglabas ng paglilinaw ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay sa panuntunan sa ugnayan ng pamahalaan ng Pilipinas at Taiwan.
Base sa Memorandum Circular No. 82 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin papayagan na ang iba pang opisyal ng gobyerno na bumisita sa Taiwan para sa layuning pang-ekonomiya, kalakalan, at pamumuhunan, ngunit kinakailangan nilang gamitin ang kanilang ordinaryong pasaporte at hindi ang opisyal na titulo.
Dapat ding ipaalam sa Manila Economic and Cultural Office o MECO ang layunin ng kanilang biyahe bago umalis at makipag-ugnayan sa nasabing tanggapan habang nasa Taiwan.
Base sa Executive Order no. 313 na inilabas noong 1987 ipinagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ang opisyal na pagbisita sa Taiwan at ang pagtanggap ng mga opisyal mula roon. Dagdag pa rito, hindi maaaring magkaroon ng anumang aktibidad na may kaugnayan sa Taiwan kung walang pahintulot mula sa Department of Foreign Affairs o DFA.
Subalit sa bagong memorandum ni Bersamin, mahigpit lang ipapatupad sa mga pangunahing opisyal ng bansa tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, at Kalihim ng Tanggulang Pambansa ang naunang executive order.
Ang hakbang ay bilang bahagi ng pagtalima ng bansa sa One China Policy habang binubuksan ang mga oportunidad para sa ekonomiya.
Nakasaad pa sa Memorandum na pagbalik ng mga opisyal, kailangan silang magsumite ng ulat sa MECO at DFA matapos manggaling sa Taiwan ang mga opisyal ng gobyerno.
- Latest