Bong Go: Mag-ingat sa Mpox
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Bong Go sa publiko ng lubos na pag-iingat lalo’t nakumpirma ang pagkalat ng sakit na monkeypox sa iba’t ibang lugar sa bansa, gaya ng Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, at Baguio City.
Ginawa ni Go ang panawagan kasunod nang dagdag na dalawang kaso sa Davao City.
Kinumpirma ng Davao City Health Office (CHO), sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), ang kaso noong April 16. Ang dalawang pasyente ay dinala sa isolation facility ng Southern Philippines Medical Center (SPMC), subalit ang isa na severely immunocompromised, ay namatay sa complications.
“Apat na simpleng hakbang ang dapat nating tandaan. Una, iwasan ang malapit at intimate contact sa mga may sintomas. Pangalawa, panatilihin ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon o alcohol. Pangatlo, linisin at i-disinfect ang mga gamit o lugar na posibleng kontaminado. At pang-apat, umiwas sa mga hayop—lalo na sa mga mukhang may sakit—dahil puwede rin silang magdala ng virus,” ani Go.
Ayon sa senador, dapat sumunod ang publiko sa health protocols ng local health offices at palaging alamin ang mga anunsyo sa developments hinggil sa Mpox.
- Latest