Jeep hulog sa kanal: 6 patay, 20 sugatan

Family outing sa Black Saturday..
MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang dapat sana’y masayang outing ng magkakamag-anak matapos na mahulog sa kanal ang sinasakyan nilang jeepney na nagresulta ng pagkamatay ng anim katao at malubhang pagkasugat ng 20 iba pa sa Sitio Badbad, Brgy. Bantay, Boac, Marinduque kahapon, Sabado de Gloria.
Ayon sa ulat ni PCol. Arthur Salida, Marinduque Provincial Police Office director, sakay ng jeep ang nasa 26 katao, kabilang ang ilang bata nang mawalan umano ito ng preno habang pababa at paliko sa bahagi ng highway bandang alas-12:00 ng tanghali nitong Sabado.
Galing umano sa bayan ng Sta. Cruz ang jeep at patungo sa isang ilog para sa isang family outing.
Dahil sa tindi ng impact, natanggal ang bubong at nawasak ang unahan ng jeep.
Base sa pahayag ng mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng jeep sa palusot at paliko-likong bahagi ng kalye.
Una nitong binangga ng jeep ang mga cement culvert bago sumalpok sa isang puno ng mangga sa kabilang gilid ng kanal, na siyang naging dahilan ng pagkasira ng sasakyan at pagkahulog sa kanal.
Marami sa mga sakay umano ang tumilapon papalabas ng sasakyan habang ang ilan, kabilang ang mga bata, ay nahulog sa mismong kanal.
Ang mga nasawi kabilang ang isang bata ay pawang residente ng Brgy. Labo, Sta. Cruz, Marinduque at mga idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Ang 9 sa 20 na sugatan ay menor-de-edad at ilan dito ay nasa kritikal na kondisyon.
- Latest