‘Oplan Isnabero’ vs taxi drivers, ikinasa ng LTO

Tatangging magsakay ng mga pasahero
MANILA, Philippines — Ipatutupad na ngayong Linggo (Abril 20) ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang “Oplan Isnabero” laban sa mga pasaway na taxi drivers na tatangging maghatid ng mga pasahero makaraan ang long weekend vacation.
Partikular na nakakalat ang LTO operatives sa major transport terminals sa Metro Manila na inaasahang dagsa ang magbabalik Maynila ng mga pasahero mula sa mga probinsiya.
Layon ng hakbang na matiyak na magiging maayos ang pagbabalik sa kani- kanilang tahanan ng mga nagbakasyon sa probinsiya nitong Semana Santa.
Pinayuhan ni LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III ang mga taxi drivers na tupdin ang kanilang responsilidad na mabigyan ng maayos na akomodasyon ang mga pasahero at hindi mang-iisnab ng commuters at nangongontrata.
“Sisiguraduhin namin na mapaparusahan ang mga taxi drivers na tatanggi magsakay ng pasahero,” sabi ni Verzosa
Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, ang pagtanggi sa pagsasakay ng pasahero ay may kaakibat na multang mula P5,000 hanggang P15,000 at maaaring mapawalang bisa ang Certificate of Public Conveyance (CPC) ng taxi.
- Latest