Death toll sa tumaob na cargo ship, 6 na
MANILA, Philippines — Pumalo na sa anim na tripulante ang nasawi sa tumaob na MV Hong Hai 16 cargo ship sa karagatan ng Brgy. Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro, ayon sa ulat nitong Sabado de Gloria.
Ito’y matapos na dalawa pang bangkay ang marekober ng Special Operations Group (SOG) ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes Santo.
Ang isa pang bangkay ay unang narekober dakong alas-2:10 ng hapon sa accommodation area ng cargo vessel habang ang isa pa ay bandang alas-3:28 ng hapon sa cargo area.
Sa report ni Lt. Junior Grade Kenneth Bongabong, commander ng Occidental Mindoro PCG halos hindi na makilala ang bangkay ng mga narekober na biktima dahil nagsisimula nang maagnas.
Samantala, lima pang tripulante ng nasabing cargo ship ang patuloy na pinaghahanap na pinaniniwalaang na-trap sa loob ng barko.
Magugunita na ang nasabing cargo ship na may lulang 7,400 kubiko metrong buhagin ay lumubog sa karagatan ng Rizal, Occidental Mindoro noong Martes.
- Latest