Single Mom patay, apat sugatan sa salpok ng SUV

Minaneho ng sekyu na hindi marunong sa automatic
MANILA, Philippines — Isang babae ang nasawi, habang apat ang nasugatan nang sila ay masalpok habang tumatawid sa Makati City, noong Lunes ng hapon. Kinilala ng isang Evelyn Sim, na anak niya ang nasawing si Amalyn Sim, 40-anyos, na isa umanong solo parent na may anim na anak.
Kabilang si Sim sa isinugod sa Makati Medical Center ng Makati Rescue Ambulance, kung saan sugatan din sina alyas “Abellar”, 50-anyos, residente ng Makati City; alyas “Rhea”, 45-anyos, residente ng Taguig City’ alyas “Delia”, 52-anyos, residente ng Makati; at isang Engineer na si alyas “Christopher”, ng Sampaloc, Maynila.
Arestado naman ang nagmaneho ng isang wagon Mitsubishi MU-X na si alyas “Lovite”, security guard ng Pilipinas Pawnshop, na mahaharap sa Vehicular Accident Resulting in Homicide with Multiple Physical Injuries with damage to Property.
Naganap ang insidente alas-4:24 ng hapon ng Abril 14 sa panulukan ng Magsaysay St. at P. Burgos St, Barangay Guadalupe Nuevo, Makati.
Sa imbestigasyon, nakaparada ang isang wagon Mitsubishi MU-X sa P. Burgos na nakaharap sa Edsa at sagabal umano sa establisyemento kaya sapilitang minaneho ng sekyu upang ilipat ng parada hanggang sa umarangkada at nabundol ang limang naglalakad kabilang si Sim na noon ay patawid.
Sinabi naman ni Makati Traffic Investigation Officer in Charge, P/Captain Kamir Kayat, na posibleng hindi alam imaneho ng sekyu ang automatic na sasakyan.
- Latest