KKK isusulong ng Maharlika Partylist
MANILA, Philippines — Inilahad ng ikalawang nominee ng Maharlika Partylist na si Alvin Sahagun, presidente at chairman din ng Maharlikang Pilipino Party, ang pagsusulong ng kanilang layunin sa pamamagitan ng Kalusugan, Karunungan, at Kabuhayan (KKK) na maghahatid ng isang bagong pag-asa para sa bawat Pilipino.
Ayon kay Sahagun sa Meet the Press forum Ng National Press Club, nabuo ang Maharlika Partylist upang maging boses ng karaniwang mamamayan—mga manggagawa, guro, magsasaka, at pamilyang nangangarap ng mas maayos na buhay lalo na ang mga katutubo o Indigenous Peoples (IP) na kanilang pokus.
Aniya, sa pamumuno ng kanilang unang nominee na si Gng. Rosalie Quizon Balcon, isang matagal nang tagapagtaguyod ng pagbabago sa komunidad, binuo nila ang isang platapormang makatao, makabago, at makatawid-buhay.
Sa Kalusugan, isinusulong ng partylist na palawakin ang serbisyong pangkalusugan sa mga malalayong lugar, dagdagan ang benepisyo ng mga health workers, at pagtuunan ng pansin ang mental health at preventive care na dapat pantay-pantay na access sa serbisyong medikal para sa lahat. Pagdating sa Karunungan, naniniwala ang grupo ni Sahagun na ang edukasyon ay dapat abot-kaya, makabago, at inklusibo.
Para naman sa Kabuhayan, layunin nilang palakasin ang maliliit na negosyo, bigyang suporta ang mga magsasaka at mangingisda, at palawakin ang oportunidad sa trabaho lalo na sa mga nasa laylayan upang bigyang-dignidad ang paghahanapbuhay ng bawat Pilipino.
- Latest