Salceda isusulong Ligao City bilang ‘tourism hub’
Ligao City, Philippines — Pamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang pagsulong ng akmang mga hakbang upang maging “tourism giant” ang lungsod na ito sa pamamagitan ng pag-akit sa malalaking mga puhunan para sa pagtatatag ng mga imprastrakturang pangturismo at iba pang mga pasilidad, at mga programang magtutulak sa masiglang industriyang ‘agri-ecotourism’ nito.
Nangangampanya ngayon si Salceda sa pagka-gubernador. Sa Kamara ay pinamumunuan niya ang House Ways and Means Committee. Unang siyam na taon siyang nagsilbi bilang gubernador ng Albay mula 2007 hanggang 2016. Sa mga lokal na survey, malayo ang lamang niya sa kanyang mga katunggali.
Pinakabago ang Ligao City sa pitong mga lungsod sa Bikol na ang tatlo ay nasa Albay. Pinakamalaki ang lupang saklaw nito na may populasyon na 111, 400. Ang ekonomiya nito ay nakabatay sa agrikultura at kaugnay na mga industriya.
Pangunahing may-akda si Salceda ng RA 9008 na lumikha sa Ligao bilang lungsod nang una siyang naging kinatawan ng ika-3 distrito ng Albay sa Kamara. Balak niyang gawing puhunan ang malawak na potensiyal nito upang maging ‘primary center of economic development’ ng Distrito na ibabatay sa turismo at agrikultura.
“Nasa gitna ng kagandahan ng Albay ang Ligao City. Dito mamamalas ang ganda ng tatlong bulkan ng Albay – ang Mt. Masaraga, Mt. Malinao at Mt. Mayon,” dagdag niyang paliwanag.
Sa panahon ng dating panunungkulan niya bilang gubernador at mambabatas, sinabi ni Salceda maraming pangunahing mga karsada naisulong at nagawa na nag-ugnay sa Ligao sa maraming mga bayan at lugar sa lalawigan.
Ngayong bumabalik siya sa Pagka-gubernador, tiniyak niya ang bagong ‘network ng pang-turismong mga karsada na kikilalaning ‘Ligao Tourism Circuit’.
Sa nakaraang siyam na taon at dahil sa mga inisyatibo ni Salceda, naibuhos ng TESDA ang mga P560 milyong ayuda sa mga ‘farm schools’ nito sa Albay, lalo na sa ika-2 distrito ng lalawigan na kasalukuyan niyang kinakatawan sa Kamara.
- Latest