Kerwin Espinosa tetestigo vs Duterte sa ICC

MANILA, Philippines — Nakahanda si dating self-confessed drug lord Albuera, Leyte mayoralty candidate Kerwin Espinosa na tumestigo sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong “crimes against humanity” sa madugong giyera kontra droga.
“Sa mga nangyari sa akin, kahit anong mangyari, I am ready,” saad ni Espinosa sa kaniyang live streaming sa social media.
Ginawa ni Espinosa ang pahayag kasunod ng tangkang pagpatay sa kanya sa bigong assassination plot noong Huwebes ng gabi habang nangangampanya na ikinasugat din ng kaniyang kapatid na kaniyang running mate na si Mariel Espinosa at isang menor-de-edad sa Brgy. Tinag-an ng kanilang bayan.
Ayon kay Espinosa, tetestigo siya para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang amang si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., na napaslang matapos na umano’y manlaban sa kontrobersiyal na raid ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) operatives sa loob mismo ng selda ng ama sa Baybay City, Leyte noong 2016.
Pitong pulis ng Ormoc City kabilang ang dalawang opisyal na “persons of interest” sa Espinosa ambush ang isinailalim na sa kustodya ng Leyte Police Provincial Office. Sila ay sinibak na sa puwesto at iniimbestigahan kaugnay sa nasabing insidente.
- Latest