Legasiya ng serbisyo ni ‘Tatay Digong’, itutuloy ni Bong Go
MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang lubos na pasasalamat at pagmamalasakit sa kanyang mentor sa pulitika at karera kasabay ng paghimok sa mga Pilipino na huwag kalimutan ang halaga ng sakripisyo’t pagmamahal sa bansa ng dating lider.
Ikinuwento ni Go kung paano ginawang personal na tradisyon ni Duterte na tahimik na ipagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang mga cancer patient. “Nakagawian na po ni dating Pangulong Duterte na mag-simple blowout lang sa mga cancer patients. Eh halos hindi n’ya namimiss ‘yon eh. Eh ngayon wala s’ya. Kaya ipagpapatuloy ko po ito. Magpapakain po tayo. May mga kaibigan tayo na gustong magpakain rin po sa mga cancer patients,” ani Go.
Sa nakalipas aniya na 26 taon, kagaya ni Duterte ay hindi siya nagpa-party kapag nagdiriwang ng kaarawan at sa halip, ibinabahagi na lamang nila ang kanilang lakas sa pakikipag-ugnayan sa mahihirap at bulnerable, isang pamana sa kanya ni Duterte ng pagiging simple at pakikiramay na ipinangako niyang ipagpapatuloy.
“Mas tinutukan na namin ‘yung mahirap nating kababayan. ‘Yan po’y gusto kong ipagpatuloy. Kahit na simpleng selebrasyon,” sabi ni Go.
Sa prayer rally para sa kaarawan ni Tatay Digong, nanawagn si Go sa lahat na huminahon at ipagdasal ang dating Pangulo na patuloy na maging malusog at makalaya mula sa kulungan ng ICC.
- Latest