4,500+ residente natulungan ng proyektong livelihood ni Vargas
MANILA, Philippines — Masayang ibinahagi ni Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas ang tagumpay ng makabagong programang pangkabuhayan ng kanyang tanggapan na nakatulong sa mahigit 4,500 residente mula sa kanyang distrito.
Nakatutok ang programa sa: 1) pagdaraos ng mga regular na job fair kung saan maaaring makahanap ng trabaho ang residente; 2) Pagbibigay ng puhunan sa mga nag-uumpisang mga negosyante; 3) at pagsasanay pang-bokasyonal gayundin ang paglilinang sa kanilang mga kasanayan.
Aniya, sa pamamagitan ng job fair, mahigit 1,000 residente ang nabigyan ng trabaho at nasa higit 2,500 naman ang nabigyan ng puhunan para makapagsimula ng maliit na negosyo.
Sa tulong ng TESDA, ipinakilala sa mga residente ang Asenso Vocational module kung saan tinuruan ang mga ito ng kaalaman sa meat processing, paggawa ng sabon, perfume production at dishwashing liquid production.
Sa nasabing pagsasanay, nabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magkaroon ng sariling online business at naturuan din ang mga ito na gamitin ang mga social media platforms tulad ng Facebook para maibenta ang kanilang produkto.
Marami rin aniya sa mga natulungan ng programa ang nagtagumpay. Isa na rito ang isang scrap collector o basurero na dati ay nagtutulak lamang ng kariton subalit ngayon ay may-ari na ng isang junkshop.
- Latest