Vlogger na nagpakalat ng takot sa Metro Manila, tugis
MANILA, Philippines — Tinutugis na ng mga otoridad ang isang vlogger na nagpakalat ng banta sa social media na mayroon umanong nagbabadyang emergency sa Metro Manila.
Ayon sa pamunuan ng National Capital Region Police Office na kanila nang pinaiimbestigahan na ang pagkilanlan ng taong nasa video.
Partikular na iniimbestigahan ang Facebook post ng “Maranao TV” na nagsasabing dapat paghandaan ng mga nasa Manila ang magaganap na emergency, hinikayat ang publiko na mag-stock ng pagkain, baterya, power bank at gamot sa mga nagme-maintenance.
Hinimok ng NCRPO ang publiko na huwag paniwalaan ang ipinakakalat sa social media na paghandaan ang nagbabadyang emergency sa Metro Manila.
“There is no credible information monitored by our intelligence units that would suggest any form of threat in Metro Manila,” pahayag ng NCRPO.
Tiniyak nito na isang malalim na validation ang agad na isinagawa at batay sa pinakabagong intelligence reports ng iba’t ibang intel units, walang impormasyon ng anumang banta sa seguridad na maaaring magdulot ng alarma sa seguridad sa Metro Manila.
“We encourage everyone to remain calm, deliberate and to be very discerning in what you see in social media,” dagdag pa nito.
Umapela rin ang NCRPO sa publiko na agad ireport sa pinakamalapit na presinto o istasyon ng pulisya sakaling may natutunugan na kahina-hinalang mga pagkilos.
- Latest