Patutsada ni Baste na tumaas ang krimen, ‘fake news’! – solon
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng isang mambabatas na “fake news” ang patutsada ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na dumarami o tumataas na muli ang krimen sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon kumpara sa panahon ng termino ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Agad na sinopla at kinontra ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales 1st District ang pahayag ni Mayor Baste at iginiit na ang katotohanan aniya ay mas mataas ang crime rate noong panahon ni “Digong” kaysa sa kasalukuyan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“So, makikita natin na talagang may disinformation din ‘yung mga pahayag ni Mayor Baste. At sana mag-fact check muna sila kaysa magpakalat ng maling impormasyon,” ayon kay Khonghun.
Tinukoy ni Khonghun, na siyang tagapangulo ng House Special Committee on Bases Conversion, ang datos ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“Hindi naman nagsisinungaling ang data… ayon mismo sa ulat nga DILG, noong July 1, 2016 hanggang Abril 2018, umabot sa 196,000 plus ang naitalang crime index noong mga panahon na ‘yon. At sa ngayon, sa ilalim ni President Bongbong Marcos, bumaba ito sa 71,500 plus,” saad ni Marbil at iginiit na dapat kilalanin ang matagumpay na pagpapababa ng administrasyong Marcos sa bilang ng krimen.
- Latest