P8.5 bilyong tax evasion case isinampa ng BIR vs cigarette factory
MANILA, Philippines — Pormal na sinampahan ng kasong P8.5 billion tax evasion case ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ilang tiwaling cigarette factory at warehouse operators.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang pagsasampa ng naturang criminal charges ay kasunod na rin ng naisagawang raid sa Bulacan at Valenzuela, na siyang pinakamalaking operasyon ng kanilang kawanihan partikular laban sa gumagawa at nag-iimbak ng sigarilyo noong nakaraang taon.
Pagbibigay-diin ng BIR chief, ang hakbang nilang ito ay pagpapakita ng kanilang maigting na hangarin na masigurong tumutupad sa kanilang tax obligation ang mga negosyo at babala na rin sa mga lumalabag na hindi sila makaliligtas sa itinatakda ng batas sa pagbubuwis.
Matatandaan na gabi noong Nobyembre 6, 2024 nang salakayin ng BIR agents, sa pakikipag-ugnayan na rin sa law enforcement authorities ang isang illegal cigarette manufacturing facility sa Bulacan at tatlong warehouses sa Valenzuela City na hinihinalang bahagi ng isang malaking criminal syndicate.
Nakumpiska sa nasabing raid ang cigarette-making equipment, raw materials, at mga ilegal na cigarette products kung saan anim na Chinese nationals na diumano’y sangkot sa ilegal na operasyon ang naaresto.
Ayon pa kay Lumagui, kapag napatunayang nagkasala, ang mga akusado ay papatawan nang pagbabayad ng malaking halaga ng multa, kulong na hanggang 10 taon at kukumpiskahin din ang mga ilegal na produkto at makina sa paggawa nito.
- Latest