Magsyota patay sa salpok ng police car
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang magkasintahan nang mabangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo ng nagpapatrulyang police mobile sa kahabaan ng Marcos Highway, sa Antipolo City kamakalawa.
Hindi na pinangalanan ang magkasintahan na nagkakaedad ng 25-anyos bunsod ng tinamong matinding pinsala sa ulo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang pulis na hindi na rin muna pinangalanan na posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide with damage to property sa piskalya.
Sa ulat ng Antipolo City Police na naganap ang aksidente nitong Lunes ng alas-2:00 hapon sa Marcos Highway, sakop ng Brgy. Inarawan, Antipolo City, Rizal.
Nauna rito, nagpapatrulya ang pulis, lulan ng police mobile at binabaybay ang kahabaan ng Marcos Highway patungong Boso-boso, nang mawalan ito ng kontrol sa behikulo.
Dahil dito, lumipat ng kabilang linya ang sasakyan at nabangga ang kasalubong na mga biktima, na magkaangkas sa motorsiklo at patungo sana sa Cogeo at sa tindi nang pagkakabangga, tumilapon ang magkasintahan.
Ayon kay PCapt. Alnor Tagara, Investigation and Operations Chief ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), malakas ang ulan at basa ang kalsada sa lugar kaya’t hindi nakontrol ng pulis ang mobile patrol na nagresulta sa aksidente.
- Latest