15 Pinoy, 6 Koreano huli sa POGO, scam sa Pasay
MANILA, Philippines — Arestado ng mga otoridad ang 15 Filipino at 6 Koreano sa pagpapatakbo ng hinihinalang illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) at scam sa Pasay, noong Lunes ng hapon.
Ipinatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang mission order sa isang opisina na matatagpuan sa basement ng hotel sa Pasay City sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Naaktuhan ang mga POGO workers na mga Pinoy sa kanilang iligal na online gaming sa Basement Slot Office, DOWINN Casino, Heritage Hotel, sa EDSA Extension, Brgy. 76, Pasay City, alas-5:30 ng hapon ng Pebrero 17 na pinapatakbo ng Korean group na target din ang kanilang mga kababayan.
Bukod sa nasabing gaming ops, sangkot din umano sila sa game fixing at online scamming, batay sa mga nasaksihang transaksyon ng POGO workers sa kanilang computer.
Pansamantalang nasa kostudiya ng PAOCC sa temporary shelter sa Pasay City ang 6 na dayuhan habang ang mga Pinoy ay sumasailalim sa imbestigasyon para sa posibleng paghahain ng mga kasong paglabag sa Securities Regulation Code, Illegal Gambling in relation to Republic RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), Money Laundering at Anti-Financial Account Scamming Act, at paglabag din sa Immigration Law para sa mga banyaga.
- Latest