P1 pabuya kada lamok, inilunsad
Para puksain ang dengue sa Mandaluyong
MANILA, Philippines — Bilang tugon sa dumaraming kaso ng dengue sa isang barangay sa Mandaluyong City ay nag-alok sila ng P1 pabuya sa bawat lamok o larva na mapapatay o mahuhuli ng mga residente.
Nabatid na ang naturang kampanya ng Barangay Addition Hills ay tinatawag na, “May Piso sa Mosquito.”
Sa ilalim ng naturang kampanya, magkakaloob ang barangay ng P1 reward para sa bawat lamok o larva na mapapatay ng mga residente na layuning tuluyang mapuksa ang sakit na dengue sa kanilang nasasakupan.
Naghanda pa ang barangay ng isang aquarium kung saan ilalagay ang mga napatay na lamok at larva.
Nabatid na bukas ang barangay hall mula Lunes hanggang Biyernes, ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon para sa mga nagnanais na magdala ng kanilang mga nahuli o napatay na lamok at makubra ang kanilang pabuya.
Nabatid na magsisimula ang naturang reward system sa Biyernes, Pebrero 21.
- Latest