Romualdez, pinatututukan smuggling ng bigas, frozen chicken
MANILA, Philippines — Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Bureau of Customs (BOC) sa pinaigting nitong kampanya laban sa smuggling na nagresulta sa pagkakasamsam ng P85.1 bilyong halaga ng kontrabando at ang matagumpay na pagsasagawa ng mahigit 2,100 anti-smuggling operations noong 2024.
Habang kinikilala ang mga mahahalagang tagumpay ng BOC, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang agarang pangangailangan na palakasin pa ang pagpapatupad ng batas laban sa agricultural smuggling, na patuloy na banta sa mga lokal na magsasaka at sa seguridad sa pagkain.
“Maganda ang ginagawa ng Customs sa paglaban sa smuggling, pero hindi tayo dapat huminto. Kailangang mas paigtingin ang kampanya lalo na laban sa agricultural smuggling na sumisira sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at nagpapahirap sa taumbayan,” diin ni Romualdez.
Ikinabahala ni Romualdez ang mga ulat kaugnay ng malawakang shipment ng bigas na ipinapasok sa bansa ng hindi binabayaran ng tama ang buwis gayundin ang mga imported na frozen chicken na nagpapalakas ng hinala na may nagaganap na manipulasyon sa suplay.
Binigyang-diin niya na ang ganitong imoral at iligal na gawain ay nagpapahirap sa mga magsasaka at mamimili, nilalabag ang patas na presyo, at inilalagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa.
“Huwag nating hayaang magamit ang smuggling at hoarding bilang sandata laban sa ating ekonomiya. Dapat supilin ang mga sindikato at tiyakin na ang pagkain ay abot-kaya ng bawat Pilipino,” ani Romualdez.
- Latest