Mga senador ni Duterte, ‘di dapat suportahan – solon
MANILA, Philippines — Hindi na dapat suportahan ng mga Pilipino sa paparating na eleksyon ang mga personalidad mula sa nakaraang administrasyon upang maprotektahan ang bansa laban sa kontrol ng dayuhan, iligal na droga, POGO, criminal syndicates, katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ito ang pahayag at babala ni Zambales Rep. Jay Khonghun na nagsabing ang pagpayag na muling makontrol nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Vice President Sara Duterte ang politika ng bansa pagkatapos ng 2025 ay muling bubuhay sa mga kapalpakan ng nakaraang administrasyon tulad ng impluwensya ng China sa ating katubigan, state-sponsored killings, iligal na operasyon ng POGO at malawakang korapsyon sa pamahalaan.
Nagbabala rin ito laban sa paghahalal ng mga senador na maka-Duterte na magreresulta sa muling pananahimik sa ginagawa ng China, na isang pagkakanulo sa bansa. Nanawagan din si Khonghun sa mga Pilipino na alalahanin ang mga ilegal na aktibidad at pang-aabuso na talamak sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Binuweltahan din ni Khonghun si VP Duterte, at sinabi na ang kinakaharap nitong impeachment case ay isang mahalagang pagsubok sa bansa kung papanagutin ang pamilya Duterte sa kanilang mga ginawang pang-aabuso.
Nanawagan din siya ng maigting na pagkilos ng mga Pilipino upang tanggihan ang mga kaalyado ni Duterte at sa halip ay iboto ang mga lider na magtatanggol sa soberanya ng bansa, magtataguyod ng hustisya at titiyak sa transparency sa gobyerno.
- Latest