Dengue outbreak idineklara sa Quezon City
MANILA, Philippines — Ideneklara kahapon ng Quezon City government sa pamamagitan ng City Health Department (QCHD) ang dengue outbreak dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso nito sa lungsod.
Inalerto at pinakilos na rin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat ng assets at resources ng lokal na pamahalaan upang matiyak na ang kanilang mga programa at serbisyo ay maging accessible para sa lahat ng QCitizens upang mapigilan ang pagdami pa nagkakasakit dulot ng kagat ng lamok na may dalang virus.
“Our declaration of a dengue outbreak ensures that we are on top of the situation, and we are doing everything we can to protect our residents from this deadly disease, especially our children,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte sa press conference kahapon.
Sa record ng City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) ng QCHD, mula January 1 hanggang February 14, 2025, nasa 1,769 na ang kaso ng dengue o nasa halos 200 percent na mas mataas noong 2024 sa kaparehong period.
Sa kabuuang bilang, nasa 58 percent ng naitalang dengue cases ay mga school-aged children (5 to 17 years old) habang 44 percent ay mga bata na mula 1 years old hanggang 10 years old.
“Mga bata ang karamihan sa mga nagiging biktima ng nakamamatay na sakit na ito. Kaya nananawagan ako sa mga kapwa ko magulang na sama-sama nating protektahan ang ating mga anak laban sa dengue. Maging alerto tayo sa mga nararamdaman ng ating anak at manguna sa mga clean-up drive sa ating mga komunidad,” ayon kay Mayor Belmonte.
Aniya, ang lahat ng 66 QC Health Centers ay nakabukas din tuwing Sabado at Linggo mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon upang maserbisyuhan ang mga may sakit na dengue.
- Latest