‘Cashless’ sa toll expressways balik sa Marso 15
MANILA, Philippines — Simula sa Marso 15, balik na sa cashless o contactless toll collection sa mga pangunahing toll expressways, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB) nitong Sabado.
Paalala ng TRB, ang lahat ng mga motorista ay kinakailangang magkaroon ng valid Electronic Toll Collection (ETC) device o radio frequency identification (RFID) stickers sa kanilang mga sasakyan.
Ang mga motoristang walang ETC o RFID sticker ay papayagan pa ring makapasok sa mga toll plaza subalit kailangan na silang magpalagay ng tag.
Gayunpaman, ang mga walang ETC o RFID ay iisyuhan ng deputized personnel ng Land Transportation Office (LTO) ng Temporary Operator’s Permit o Show Cause Order dahil sa paglabag sa “No Valid ETC Device, No Entry” Policy sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. ng Department of Transportation, LTO, at TRB.
Pagmumultahin din ang mga motorista na walang valid RFID at sa may RFID naman subalit ‘insufficient load balance”, alinsunod din sa Joint Memorandum Circular.
Paliwanag ng TRB, ang cash lanes ay kadalasang nagdudulot ng paghaba ng linya at dahilan din upang mapigilan ang mabilis at mahusay na daloy ng trapiko patungo sa kanilang ETC designated lanes.
Matatandaang unang ipinatupad noong Disyembre 2020 ang cashless collection ngunit ito ay nasuspinde dahil sa ilang mga isyu sa operasyon.
- Latest