2 Pinay na gagamiting drug mule, nailigtas

MANILA, Philippines — Nasagip sa Malaysia ng National Bureau of Investigation-Dangerous Drugs Division (DDD) ang dalawang Pinay na muntik nang magamit bilang drug mule ng African Drug Trafficking Syndicate (ADTS) na kung saan naaresto naman ang isang miyembro ng sindikato.
Ito’y mula sa impormasyong nakuha sa isang Pinay drug mule noong Enero 2025 at sa serye controlled delivery operations ng mga nakalipas na buwan, na naging daan sa pa-iimbestiga hinggil sa pagtarget ng grupo sa mga Pinay na mahigpit ang pangangailangan sa pera.
Nakuha ang impormasyon na may dalawang Pinay na nasa Malaysia para makipagkita sa miyembro ng ADTS na magbibigay sa kanila ng maleta na may lamang iligal na droga at ibibiyahe patungong Hong Kong.
Natuklasan na ang dalawang biktima ay pinangakuan na babayaran ng tig USD 5,000 o P290,000.00 bukod sa all-expenses-paid, sa pagdadala lamang ng Malaysian products sa Hong Kong na lingid sa kanila ay ilegal na droga.
Agad na nagpadala si Santiago ng mga tauhan ng NBI-DDD sa Malaysia na nakipag-ugnayan sa Royal Malaysian Police (RMP) at Narcotics Crime Investigation Division (NCID) at ipinaliwanag na ang dalawang Pinay ay inosente na ang kukunin na maleta ay may cocaine.
Nitong Pebrero 4, 2025, ikinasa ang “Operation Chiribaya” ng International Intelligence Division kasama ang Drug Enforcement Administration, NBI, at Malaysian law enforcement authorities sa Klang Valley area na nagresulta sa pag-aresto sa isang babaeng Republic of Sierra Leone citizen na may dalang maleta na naglalaman ng 2.3 kilos ng cocaine.
Ilan pang miyembro ng ADTS ang dinakip sa Malaysia habang ang dalawang Pilipina ay naiuwi ng NBI noong Pebrero 5, 2025.
Patuloy ang NBI sa pagtunton sa mga miyembro ng sindikato na nasa Pilipinas, kabilang ang mga Pinoy na recruiters.
- Latest