3 ‘IT’ ng Comelec tiklo sa P90 milyong ‘panalo sa elections’

MANILA, Philippines — Tatlo sa pitong Information Technology (IT) specialist umano ng Commission on Elections (Comelec) na humihingi ng P90 milyon mula sa dalawang kandidato sa Cagayan para sa kanilang tiyak na panalo sa nalalapit na halalan sa Mayo 12 ang naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre III, ang entrapment operations sa Parañaque City-based IT company ay kasunod ng reklamo nina Enrile mayoral candidate Robert Turingan at vice mayoral candidate Karen Turingan.
Nabatid na muling inalok ng mga suspek ang dalawang kandidato ng P90 milyon para sa tiyak na panalo sa halalan sa Mayo.
Natalo sina Robert at Karen sa nagdaang dalawang eleksiyon kaya ito ang ginawang dahilan ng mga suspek upang masiguro ang panalo ng dalawa.
Bunsod nito, nagkasundo ang mga complainant at suspek na magkita sa isang mall sa Marikina, alas-4:30 nitong Lunes para sa initial payment.
Nang magkabayaran agad na inutos ni Torre ang pag-aresto sa mga suspek kung saan itinuro ng mga ito ang kanilang opisina sa Parañaque.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang tatlo habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong robbery with intimidation or violence/robbery extortion in relation to the Cybercrime Prevention Act and the Omnibus Election Code sa Marikina Prosecutors Office.
- Latest