Pagbabayad ng buwis susi sa mas maunlad na kinabukasan ng bansa
MANILA, Philippines — Binigyang diin ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na hindi dapat tignan ng bawat mamamayang Pilipino na isang legal na obligasyon ang pagbabayad ng buwis, bagkus ito’y pamumuhunan para sa mas maunlad ng kinabukasan ng bansa.
Ginawa ng BIR chief ang pahayag sa paglulunsad ng 2025 National Tax Campaign, na may temang “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat”, na isang panawagan din para sa pagkakaroon ng transparency, accountability, at shared responsibility para sa nation-building.
Sa nasabing okasyon ay tampok din ang makasaysayang nagawa ng BIR sa ilalim ng pamumuno ni Lumagui, na pagpapatibay sa pangako ng kawanihan na kahusayan, pagsusulong ng digitalisasyon at mahigpit na pagpapatupad ng kanilang tungkulin at panuntunan.
Kabilang sa mahalagang tagumpay ng BIR ay ang nakolekta nitong nasa kabuuang halaga na P2.86 trillion noong nakaraang taon, na siyang pinakamataas at kauna-unahan sa nakalipas na 20 taon na pag-abot sa collection target nito.
Gayundin ang agresibong digital transformation campaign nito, na kinabibilangan ng pagpapatupad ng Online Registration and Update System (ORUS), Digital TIN IDs, eONETT (electronic one-time transactions), at ang expanded eLounges para sa mas simpleng pagkakaloob ng taxpayer services.
Sa pamamagitan naman ng mahigpit at malawakang kampanya nito laban sa tax fraud at illegal trade, ang BIR ay nagawang makarekober ng P4.3 billion tax mula sa fake transactions at P110 million naman sa ilegal na pagbebenta ng cigarettes at vapes.
- Latest