Bagong BFAR chief, aprub kay Yamsuan
MANILA, Philippines — Malaki ang tiwala ni Rep. Brian Raymund Yamsuan na paiigtingin ng bagong talagang national director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mahigpit na pagtutok ng ahensya sa kapakanan ng maliliit na mangingisda at sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
Ayon kay Yamsuan, chairman ng House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources, nakikita niya kay BFAR Director Elizer Salilig ang tunay na malasakit at dedikasyon sa pagtulong sa mahigit dalawang milyong maliliit na mangingisdang matagal nang naipit sa gulong ng kahirapan.
Ang kanyang malawak na kaalaman at karanasan, lalo na sa pagpapabuti ng kalagayan ng mahihirap na fishing communities ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na sa kanyang pamumuno, mapapalawak at mapapalakas ang mga programa ng BFAR upang suportahan ang ating mga mangingisda at mapatatag ang seguridad sa pagkain ng bansa,” ani Yamsuan.
Nagtungo sina Salilig at ilang pangunahing opisyal ng BFAR kay Yamsuan para sa isang courtesy call noong Pebrero 5, 2025.
Naniniwala si Yamsuan na sa ilalim ng pamumuno ni Salilig, mas mapapalakas ng BFAR ang pagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan at kaalaman sa maliliit na mangingisda upang mapaunlad ang kanilang buhay.
- Latest