Salceda: Mga aral mula sa 1814 pagsabog ng Mayon na bumaon sa simbahan ng Cagsawa
MANILA, Philippines — May mahahalagang aral ang itinuro ng 1814 pagsabog ng bulkang Mayon, na nakintal sa isipan ng mga Albayano, ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda – “Preemptive Evacuation” o maagang paglikas, at “Zero Casualty” o walang mamamatay. Ito ay binigyang diin ng mambabatas sa pagbubukas ng “Cagsawa Festival 2025” ngayong linggo sa bayang ito kung saan siya ang naging panauhing pandangal.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Salceda na ito rin ang naging batayan ng kanyang madiing adbokasiya kaugnay sa mga kalamidad na malimit sumalasa sa kanilang lalawigan.
“Ang napakahalagang aral na turo nito: Hindi maiiwasan ang kalamidad na dulot ng kalikasan, ngunit maiiwasan ang kapahamakang dala nito, sa pamamagitan ng epektibong ‘disaster risk reduction management’ o mabisang pangangasiwa. Mukhang simple lang ngunit malawak ang mga implikasyon nito, at ang pinakamahalaga ay ang ‘zero casualty’ o walang mamamatay,” giit niya.
Sa kasaysayan ng Cagsawa, pinuna ni Salceda ang mahalagang desisyon na itayo ang bagong simbahan ng bayan sa gulod na Santa Maria na ngayon ay kilala sa pangalang “Church of the Nuestra Señora dela Porteria,” kung saan maraming pamilya ang lumipat sa paligid nito na naging dahilan ng pagkaligtas nila sa 1814 pagsabog ng Mayon.
Karamihan sa mga nanatili sa dating pamayanan ng Cagsawa ay nangamatay sa pagsabog ng bulkan. Ibinaon nito ang dating Cagsawa at tanging ang ‘bell tower’ o torre ng kampana ng lumang simbahan nito ang nakalitaw, na ngayon ay kilala sa buong mundo bilang ‘Cagsawa Ruins.’ Isang pangunahing pasyalan ng mga turista sa Pilipinas.
Batay sa kasaysayan ng Cagsawa, sinabi ni Salceda na nananatiling pinakamabisang paraan upang iligtas ang mga tao mula sa kapahamakang dulot ng mga likas na kalamidad ay ang “ilayo sila sa dadaaanan nito bago pa ito dumating. Mayaman ka man o mahirap, Karapatan mo ang maligtas sa pananalasa ng mga kalamidad,” dagdag niya.
“Dapat alam natin kung saan nagmumula ang banta ng kalamidad at kung saan ito papunta. Dapat tandaan natin ito. Maraming paraan sa pagligtas ng mga taong nahaharap sa panganib, ngunit sa Albay, hindi na namin kailangang magligtas, lumilikas na lang kami. Dapat ding turuan ang mga kababayan natin kung paano maiiwasan ang panganib at mababawasan ang bigat nito. Hindi na ako gubernador ngayon, ngunit patuloy namin itong ginagawa bilang daan sa pag-unlad dahil mahal namin ang aming mga kababayan,” paliwanag niya.
- Latest